Panukalang pagtatatag ng kauna-unahang Maritime School sa BARMM na itatayo sa Tawi-Tawi, aprubado na sa Committee on Basic, Higher, and Technical Education
- Jan 26
- 1 min read
iMINDSPH

Sa pulong ng Bangsamoro Parliament Committee on Basic, Higher, and Technical Education nitong Biyernes, January 23, inaprubahan ang panukalang pagtatatag ng kauna-unahang maritime school sa Tawi-Tawi
Layunin ng proposed measure na tugunan ang matagal nang kakulangan ng maritime school sa BARMM—isang sitwasyong nagtulak sa maraming Bangsamoro students na mag-aral sa labas ng rehiyon o tuluyang iwan ang kursong pandagat dahil sa kawalan ng lokal na paaralan.
Sa Parliament Bill No. 356 na inakda ni Floor Leader John Anthony “Jet” Lim, binigyang-diin ang geographical character ng Tawi-Tawi bilang island province at ang pagiging malapit nito sa mga pangunahing sea routes—mga dahilan kung bakit matagal nang kinikilala ang potensyal nito sa maritime sector, kahit kulang ang access sa formal maritime education.
Kapag naisabatas, ang Tawi-Tawi Maritime School ay ilalagay sa ilalim ng pamamahala ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education o MBHTE.
Nakasaad din sa panukala ang posibilidad ng pagtatayo ng iba pang satellite campuses sa iba’t ibang bahagi ng BARMM upang mas mapalawak ang access sa maritime training ng mga kabataang Bangsamoro.
Ayon kay Committee Chair Tomanda Antok, makikipagpulong pa ang CBHTE sa Committee on Finance, Budget, and Management para talakayin ang panukalang budget, lalo na para sa initial implementation ng proyekto.
Daraan pa sa plenary deliberations ang panukala bago ito tuluyang maaprubahan sa final reading.



Comments