Parcel na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuanan na ipapadala sana sa Agusan del Sur at Palawan, isinuko ng isang courier sa Gensan sa awtoridad
- Teddy Borja
- Oct 17
- 1 min read
iMINDSPH

Isinuko ng isang courier ang dalawang parcel sa Police Station 3 ng lungsod na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Sa report ng PNP PRO 12, bandang alas-6:00 ng gabi, araw ng Miyerkules, October 15, nang isinuko ng courier sa mga tauhan ng Police Station 3, General Santos City Police Office, ang dalawang parcel na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana.
Batay sa paunang imbestigasyon, dakong alas-1:30 ng hapon sa parehong araw, isang lalaki na nakilalang si alyas “Edmar”, residente ng Barangay Labangal, General Santos City, ang nagtungo sa isang pribadong sangay ng courier sa Barangay Lagao at nagtangkang magpadala ng dalawang parcel — isa ay naka-address kay alyas “Ralph” ng Bunawan, Agusan del Sur, at ang isa naman ay kay alyas “Ash” ng Tuba Tuba, Palawan.
Matapos umalis ang nagpadala, napansin ng courier ang kakaibang amoy mula sa mga parcel na kahalintulad ng tuyong tabako. Dahil dito, agad siyang nakipag-ugnayan sa pulisya.
Sa isinagawang inspeksiyon, natuklasan ng mga awtoridad ang mga pinatuyong dahon ng marijuana na nakatago sa loob ng mga pakete.
Ang mga nakumpiskang ebidensiya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Police Station 3, GSCPO, para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Sa isang pahayag, pinuri ni PBGen Arnold Ardiente, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang ipinakitang pagiging mapagmatyag at malasakit sa kapwa ng isang residente ng syudad.



Comments