top of page

Parliament Bill No. 428 o ang MBHTE Teachers Graduate Scholarship Act, isinusulong sa BTA Parliament

  • Jan 20
  • 1 min read

iMINDSPH


Isinusulong sa BTA Parliament ang panukalang MBHTE Teachers Graduate Scholarship Act, na pangunahing inakda ni Deputy Speaker Adzfar Usman.


Sa ilalin ng Parliament Bill No. 428, magkakaloob ng financial at academic assistance ang pamahalaan sa mga gurong kukuha ng master’s o doctorate degrees na may kaugnayan sa kanilang teaching assignments. Saklaw ng benepisyo ang matrikula, living allowances, research support, at iba pang gastusing pang-edukasyon.


Nakasaad din sa panukalang batas na ang mga scholar ay magsisilbi sa mga paaralan sa Bangsamoro sa loob ng isang taon kapalit ng bawat taon ng scholarship na kanilang matatanggap. Ang mga gurong hindi makakatapos ng programa o hindi makakatupad sa return-service obligation ay obligadong isauli ang mga benepisyong natanggap.


Ayon kay Deputy Speaker Usman, kinikilala ng Bangsamoro Education Code ang kahalagahan ng pagsuporta sa mga guro, subalit wala pang umiiral na batas na ganap na nag-ooperasyonal nito—isang kakulangan na layong punan ng panukalang ito.


Bibigyang-priyoridad ng programa ang mga larangang kritikal sa kaunlaran ng rehiyon, kabilang ang STEM o science, technology, engineering, and mathematics; teacher education at leadership; Madaris at Islamic education; special at inclusive education; technical-vocational skills; at information and communication technology.


Dagdag pa ni Usman, tinitiyak ng panukala na ang pamumuhunan sa pagsasanay ng mga guro ay direktang magbubunga ng mas mahusay na edukasyon para sa mga mag-aaral, mas matibay na institusyon, at mas handang workforce sa Bangsamoro.


Sa ilalim ng panukala, ang Ministry of Basic, Higher, and Technical Education ang mangangasiwa sa aplikasyon, pagpili, at monitoring ng mga benepisyaryo ng scholarship.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page