Parliament Bill No. 434, na naglalayong i-institutionalize at gawing ganap na batas ang “flexible working hours” tuwing buwan ng Ramadhan, isinusulong sa BTA Parliament
- Diane Hora
- Jan 27
- 2 min read
iMINDSPH

Posibleng maging permanente ang pagpapatupad ng flexible working hours tuwing banal na buwan ng Ramadan para sa mga Muslim na kawani ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) government, sakaling maisabatas na ang Parliament Bill No. 434, o ang “Flexible Working Hours During the Month of Ramadhan Act.”
Nilalayon ng panukala na maging isang ganap na batas ang kasalukuyang Ramadan flextime na taunang ipinatutupad sa pamamagitan lamang ng memoranda. Sa ilalim ng panukala, itinatakda ang standard working hours mula 7:30 a.m. hanggang 3:30 p.m. para sa mga Muslim employees na nag-aayuno, habang tinitiyak pa rin ang 40-hour workweek sa pamamagitan ng flexible o compressed schedules.
Kinikilala ng panukala na ang Ramadan ay panahon ng pag-aayuno, panalangin, at pagninilay, at layon nitong magbigay-daan sa espiritwal na obligasyon ng mga empleyado nang hindi naaantala ang serbisyo publiko. Para sa mga tanggapan na hindi maaaring sumunod sa naturang oras ng trabaho dahil sa kritikal na tungkulin, pinahihintulutan ang alternatibong work arrangements upang manatiling tuloy-tuloy ang operasyon ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, ang Office of the Chief Minister ay naglalabas lamang ng taunang circular na nag-aadjust ng working hours tuwing Ramadan. Gayunman, iginiit ng mga mambabatas na ang mga circular na ito ay paulit-ulit lamang na nagpapatupad ng Section 3 ng Presidential Decree No. 322 (1973) at walang permanenteng legal na balangkas.
Kapag naisabatas, inaasahang magiging standard at pantay ang pagpapatupad ng Ramadan flextime sa lahat ng regional departments, bureaus, at agencies, pati na sa local government units (LGUs), government-owned or -controlled corporations (GOCCs), at state universities and colleges (SUCs) sa BARMM.
Binibigyang-diin din ng panukala ang inclusivity, non-discrimination, at paggalang sa relihiyosong paniniwala, na layong balansehin ang espiritwal na pangangailangan ng mga empleyado at ang episyenteng paggampan ng tungkulin ng pamahalaan.
Ang panukalang batas ay kasalukuyang nasa unang pagbasa at daraan pa sa karagdagang deliberasyon at committee hearings bago ang pinal na pag-apruba.
Ang panukala ay iniakda nina MP Tomanda Antok, Kitem Kadatuan Jr., Ibrahim Ibay, Alindatu Pagayao, Butch Malang, Ma-arouph Candao, at Abdulbasit Benito.
Kabilang naman sa mga co-authors sina Jaafar Apollo Mikhail Matalam, Mosber Alauddin, Susana Anayatin, Rashdi Adiong, Mohammad Yacob, Don Mustapha Loong, Uttoh Salem Cutan, Zulfikar-Ali Bayam, Hashemi Dilangalen, Hatimil Hassan, Romeo Sema, Tawakal Midtimbang, Ahmad Amir Balindong, Basit Abbas, Ali Solaiman, Randolph Parcasio, at Abdulwahab Pak.



Comments