Pasok sa eskwela at trabaho sa LGU, sinuspende ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng executive order dahil sa nararanasang lindol
- Diane Hora
- Jan 28
- 1 min read
iMINDSPH

Naglabas ng Executive Order No. 216 (Series of 2026) ang Cotabato City Government kaugnay ng nararanasang lindol ngayong araw sa Cotabato City at kalapit lugar, gayundin ang posibilidad ng mga aftershocks, bilang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Batay sa kautusan na may petsang Enero 28, 2026, sinuspinde ang lahat ng klase sa lahat ng antas, pampubliko man o pribado, sa loob ng Cotabato City hanggang sa karagdagang abiso.
Kasabay nito, isinuspinde rin ang pasok sa lahat ng tanggapan ng Pamahalaang Lungsod, maliban sa mga kawani na kabilang sa essential services, tulad ng health at medical services, disaster at emergency response, public safety, peace and order, at iba pang kritikal na frontline functions na maaaring tukuyin ng City Mayor batay sa rekomendasyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Nagpaalala rin ang pamahalaang lungsod sa publiko na manatiling alerto, umiwas sa mga istrukturang may nakikitang pinsala o hindi ligtas, at sumunod lamang sa opisyal na abiso mula sa mga awtoridad.
Pinayuhan ang mga barangay na makipag-ugnayan nang mahigpit sa CDRRMO para sa mga update at karagdagang tagubilin, lalo na sa usapin ng kaligtasan at disaster preparedness.
Para sa mga beripikadong impormasyon at anunsyo, hinikayat ang publiko na sundan ang opisyal na communication channels ng Cotabato City Government.



Comments