Philippine Army Commanding Gerenal Antonio Nafarrete, nagbigay pugay sa 4 sundalong nasawi sa pananambang sa Munai, Lanao del Norte
- Jan 26
- 2 min read
iMINDSPH

Nagbigay-pugay ang pamunuan ng Philippine Army sa apat na sundalong nasawi sa pag-atake ng mga nalalabing miyembro ng Dawlah Islamiyah–Maute Group (DI-MG) sa Lanao del Norte, kasabay ng pagtiyak ng tulong at suporta sa kanilang mga pamilya.
Pinangunahan ni Army Chief Lt. Gen. Antonio Nafarrete, kasama si AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., ang pag-alala sa kabayanihan ng mga sundalo, araw ng Sabado, Enero 24. Ayon sa Philippine Army, ang sakripisyo ng mga sundalo ay patunay ng patuloy na paglilingkod ng mga kawal sa bayan at sa mamamayang Pilipino.
Kinilala ang apat na nasawi sina SSg. Diosito Araya ng 1st Civil-Military Operations Battalion; Sgt. Gilbert Arnoza ng 106th Infantry Battalion; Sgt. Junel Calgas ng 97th Infantry Battalion; at Pvt. Sean Mark Laniton ng 44th Infantry Battalion.
Tiniyak ni Lt. Gen. Nafarrete na agad na ipagkakaloob ang kinakailangang tulong at benepisyo sa mga naulilang pamilya. Aniya, mananatiling kaagapay ng mga pamilya ang Hukbong Katihan upang maibsan ang bigat ng kanilang sinapit at mapanatili ang dignidad ng mga bayaning nag-alay ng buhay sa tungkulin.
Kasabay nito, personal ding dinalaw ng mga opisyal ang sugatang sundalo na si Cpl. Rollen Dela Cruz ng 10th Infantry Battalion, na ginawaran ng Wounded Personnel Medal bilang pagkilala sa kanyang katapangan. Si Dela Cruz ay kasalukuyang nagpapagaling sa Mercy Community Hospital sa Barangay Tubod, Iligan City.
Batay sa Philippine Army, nagsasagawa non-combat, community-focused mission ang mga sundlo nang pagbabarilin sa Purok 1, Barangay Lininding, Munai, Lanao del Norte, umaga ng Biyernes, Enero 23. Sinabi ng Philippine army na ang pag atake isang paghihigante sa anila’y humihina nang mga elemento ng DI-MG na sinisikap umanong magpakita ng presensya sa kabila ng tumitinding operasyon ng pamahalaan laban sa kanila.
Binigyang-diin ng pamunuan ng hukbo na hindi masasayang ang buhay ng mga nasawing sundalo. Patuloy, anila, ang pagtugis sa mga nasa likod ng pag-atake at ang pagpapatupad ng mga hakbang upang mapanatili ang kaligtasan at kapayapaan sa mga komunidad.



Comments