top of page

Pinalalakas ang Lokal na Pamahalaan: MILG nagbigay ng briefing sa Provincial Board ukol sa CSO Accreditation

  • Aug 7, 2025
  • 2 min read

iMINDSPH



Pinangunahan ni MILG Provincial Director Tarhata Balading ang presentasyon na isinagawa sa SK Capitol, at dinaluhan ng buong Provincial Board sa pangunguna ni Vice Governor Datu Marshall Sinsuat.


Tinalakay sa orientation ang legal na batayan, proseso, at polisiya sa likod ng guidelines, na nakabatay sa Article XIII, Section 2 ng Bangsamoro Organic Law at Bangsamoro Autonomy Act No. 49.


Layunin nitong gawing malinaw at pare-pareho ang proseso ng accreditation, tukuyin ang papel ng mga aktor sa pamahalaan, at tiyakin ang representasyon ng CSOs sa mga development councils at iba pang local decision-making bodies.


Ayon kay Dir. Balading, napapanahon ang aktibidad dahil nasa yugto ng post-election transition ang lalawigan. Ipinaalala niyang ang accreditation at selection ng CSO representatives ay isinasagawa tuwing taon ng halalan mula Hulyo hanggang Setyembre, kaya’t mahalaga ang gabay para sa maayos na implementasyon.


Bahagi rin anila ito ng pagpapatupad ng #SammyGamBARMM Approaches sa ilalim ng 12-Point Priority Agenda ni Chief Minister Abdulraof Macacua, partikular sa pagsusulong ng moral governance, local accountability, at people-centered development.


Bukod sa updated guidelines, sinuri rin ang mga kinakailangang dokumento para sa accreditation at napag-usapan ang onboarding training ng Provincial Board na gaganapin sa Davao City. Layunin ng training na mapalawak pa ang kaalaman ng mga bagong halal na opisyal sa tamang legislative tools at planning strategies.


Tinalakay din ang mga legal na tanong hinggil sa recordkeeping at alignment ng mga programa ng kasalukuyang set ng elected officials. Isa rin sa mga natalakay ang proposal para sa training-workshop kaugnay ng pag-update sa Term-Based Plan ng lalawigan.


Nagpahayag ng pasasalamat si Vice Governor Sinsuat sa suportang teknikal ng MILG, at sinabing naging mahalaga ang orientation sa kanilang paghahanda sa pagganap ng tungkulin, lalo na sa aspeto ng CSO engagement at transparency sa pamahalaang lokal.


Ang aktibidad na ito ay patunay umano ng patuloy na pagsusumikap ng MILG na magtatag ng matatag at epektibong local institutions, alinsunod sa adhikain ng Moral Governance ng pamahalaang BARMM.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page