top of page

Police Major mula sa PNP PRO BAR, kabilang sa pinarangalan sa 2025 Metrobank Foundation Outstanding Filipino Police Officers

  • Diane Hora
  • Aug 6
  • 2 min read

iMINDSPH


ree

Sa halos 26 na taon ng tapat na paglilingkod, si Police Major Elmira Relox, kasalukuyang Chief ng Regional Women and Children Protection Desk ng Police Regional Office ng Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR), ay kabilang sa tatlong pulis sa 2025 Metrobank Foundation Outstanding Filipino Police Officers.


Kinikilala si Police Major Relox bilang isang haligi ng pag-asa at pagbabago sa usapin ng karapatang pantao, kaligtasan ng kababaihan at kabataan, at laban kontra human trafficking.


Mula 2014 hanggang 2018, nagsilbi si PMAJ Relox bilang Provincial Women and Children Protection Desk Officer sa Tawi-Tawi, kung saan kanyang binago ang paraan ng pagtugon sa human trafficking sa rehiyon. Sa kanyang pamumuno, nabuo ang Human Trafficking Route Map at ang Trafficking In-Person (TIP) Take-In Form mga makabagong kasangkapang ginamit sa mas mabilis na pagtukoy sa mga trafficking route at victim profiles.


Ang resulta: 185 operasyon, 1,347 biktima ang nailigtas, at maraming suspek ang naaresto. Pinangunahan rin niya ang pakikilahok ng PNP sa One Stop Processing Center para sa mga Filipinong na-deport mula Sabah na siyang tumutok sa kanilang seguridad at akses sa pangunahing serbisyo.


Hindi lamang sa loob ng bansa nagtapos ang kanyang malasakit. Nakipag-ugnayan siya sa mga international law enforcement agencies upang matulungan ang mga Filipina trafficking victims sa Malaysia.


Sa Tawi-Tawi, itinatag niya ang isang shelter para sa mga biktima ng pang-aabuso, at bilang Hepe ng Pulisya sa Tandubas, inilunsad niya ang programang “Peaceful Beginnings” na humimok sa boluntaryong pagsuko ng mga hindi lisensyadong baril upang mapigilan ang karahasan sa komunidad.


Ang kanyang mga inisyatibo ay hindi lamang panandalian kundi mga sistemang may pangmatagalang epekto. Pinalalim nito ang tiwala ng komunidad sa kapulisan at naglatag ng matibay na pundasyon para sa mga patuloy na kampanya kontra human trafficking at pagtaguyod ng karapatang pantao.


Sa kanyang halimbawa, patuloy itong nagsisilbing inspirasyon sa maraming lingkod-bayan na itaas ang antas ng kanilang serbisyo hindi lang sa pagiging mahusay sa propesyon, kundi sa pagiging taos-pusong tagapagsilbi para sa kapwa.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page