Political committees ng BIAF, MILF, at mga sectoral officials, binatikos ang resolusyon ng Sulu Provincial Council na tumututol sa pagsasagawa ng anumang aktibidad na may kaugnayan sa MILF at BIAF sa
- Jan 2
- 2 min read
iMINDSPH

Naglabas ng manifestation ang mga political committee ng Bangsamoro Islamic Armed Forces ng Moro Islamic Liberation Front at mga sectoral officials kaugnay sa resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Sulu na nagpapahayag ng pagtutol ng pamahalaang panlalawigan sa pagsasagawa ng anumang aktibidad na may kaugnayan sa MILF at BIAF sa probinsya.
Sinabi ng grupo sa pahayag na ang nasabing resolusyon ay “mapanganib na pagbaluktot” sa legal na katayuan at makasaysayang mandato ng MILF bilang pangunahing lumagda sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB, isang pambansang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at ng pamahalaan na sinaksihan ng international community.
Dagdag ng grupo, ang CAB ay hindi isang lokal na kasunduan na maaaring balewalain batay sa pulitikal na konsiderasyon. Isa umano itong pambansang obligasyon ng estado na sumasaklaw sa mga proseso ng normalisasyon, decommissioning, confidence-building, at peace-building—kabilang ang mga lugar na wala na sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) gaya ng Sulu.
Anila, ang pag-alis ng Sulu sa BARMM ay hindi nagkakansela sa CAB, ni hindi binubura ang patuloy na pananagutan ng estado sa mamamayang Bangsamoro.
Giit nila na ang pagtatangkang ipagbawal ang presensya at gawain ng MILF sa Sulu ay wala anilang legal na batayan at, anila, ay “politically provocative.”
Anila, ang mga dayalogo sa komunidad, konsultasyon, gawaing organisasyonal, at adbokasiya para sa kapayapaan—kung isinasagawa nang mapayapa at walang armas—ay ligal at mahalaga sa pagkakasundo at rekonsilyasyon.
Paulit-ulit at hayagang ipinahayag ng MILF ang kanilang commitment sa civilian governance, pagsunod sa Konstitusyon, at maayos na koordinasyon sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa pamamagitan ng umiiral at napagkasunduang normalization mechanisms. Anumang concern o isyu ay dapat talakayin at resolbahin sa loob ng mga mekanismong ito, at hindi sa pamamagitan ng mga unilateral na pahayag na lalo lamang nagpapalala ng tensyon at sumisira sa integridad ng peace process.
Ang manifestation ay inisyu noong Miyerkules, December 31, 2025 at pirmado nina Salisin Sahiruddin, ang chairman ng Northern Sulu Political Committee; Sabtal Aman, chairman ng Southern Sulu Political Committee; Haji Yashier Talib, Base Commander ng 117th Base Command; Lynder Kamlon ng Western Mindanao Front Command; Nodura Halil, chairwoman ng Social Welfare Committee; at Akub Estino ng Local Monitoring Team-Sulu.



Comments