Presyo ng pagkain at singil sa kuryente at tubig, itinuturong dahilan ng pagbilis ng inflation sa 1.8% nitong Disyembre 2025
- Jan 6
- 1 min read
iMINDSPH

Bahagyang tumaas ang inflation rate o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa sa pagtatapos ng taong 2025. Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), naitala ito sa 1.8% nitong Disyembre. Ito ang ibinahaging impormasyon ng Radyo Pilipinas.
Sa report, sinabi ni PSA National Statistician at Undersecretary Dennis Mapa, mas mabilis ito kumpara sa 1.5% inflation noong Nobyembre, ngunit nananatiling mas mabagal kaysa sa 2.9% na naitala sa kaparehong buwan noong 2024.
Dahil sa paggalaw na ito, ang full-year average inflation para sa buong taon ng 2025 ay pumatak sa 1.7%. Ayon sa PSA, mas mababa ito kumpara sa 3.2% annual inflation noong 2024 at pasok pa rin sa target range na itinakda ng pamahalaan, dagdag pa sa report.
Paliwanag ng PSA, ang pagtaas noong Disyembre ay dulot ng mas mabilis na pag-akyat ng presyo ng ilang pangunahing pagkain gaya ng bangus, sibuyas, at karne ng baboy. Nakadagdag din sa pasanin ng mga mamimili ang mas mataas na singil sa kuryente, tubig, at upa sa bahay, ayon pa sa report.
Samantala, taliwas sa pambansang trend, bumagal naman sa 2.3% ang inflation sa National Capital Region (NCR) nitong nagdaang Disyembre.
Patuloy ang monitoring ng pamahalaan sa presyo ng mga bilihin upang masiguro na hindi ito lalampas sa inaasahang antas sa pagpasok ng bagong taon.



Comments