Provincial Government ng Maguindanao del Sur, hatid ang serbisyong medikal sa mga mamamayan ng Datu Hoffer
- Diane Hora
- Jan 28
- 1 min read
iMINDSPH

Patuloy na inilalapit ng administrasyon ni Governor Datu Ali Midtimbang ang serbisyong may puso sa mga mamamayan ng lalawigan.
Sa ilalim ng programang GIVE HEART, isinagawa ang medical mission sa bayan ng Datu Hoffer, araw ng Lunes.
Tinitiyak ng pamahalaan panlalawigan na walang mapag-iiwan lalo na anila sa mga residente ng probisya na limitado ang access sa serbisyong pangkalusugan.
Sa pamamagitan ng koordinasyon ng iba’t ibang tanggapan ng probinsya at health workers, daan-daang residente ng Datu Hoffer ang direktang nakinabang sa libreng serbisyong medikal at social support.
Kabilang dito ang libreng medical check-up at konsultasyon, pamamahagi ng libreng gamot, dental check-up at tooth extraction, tuli (circumcision) para sa mga kabataan, pamamahagi ng reading glasses, tsinelas para sa mga benepisyaryo at feeding program para sa mga bata
Namahagi rin ng wheelchairs para sa PWDs at senior citizens.
Higit pa sa mga serbisyong pisikal, ang aktibidad ay nagsilbing paalala ng malasakit ng pamahalaan sa dignidad at kapakanan ng bawat mamamayan.
Ang bawat serbisyong naihatid ay may kaakibat na pag-unawa, pag-aaruga, at tunay na pakikinig sa pangangailangan ng komunidad.
Ang pagpapatuloy ng GIVE HEART Campaign ay sumasalamin sa hangarin ng Pamahalaang Panlalawigan na magkaroon ng sustenable, pangmatagalang solusyon sa mga hamong kinakaharap ng sektor ng kalusugan at serbisyong panlipunan.
Isa anila itong malinaw na patunay na ang “Serbisyong May Puso” ay hindi lamang isang slogan, kundi isang patuloy na paninindigan at gawain.
Ang aktibidad ay naisakatuparan sa ilalim ng pamumuno ni Governor Datu Ali Midtimbang, katuwang at may buong suporta ni Vice Governor Ustadz Hisham Nando, bilang bahagi ng patuloy na adbokasiyang “Serbisyong May Puso.”



Comments