Resolusyon na nananawagan kay PBBM na payagan ang zero-tariff importation ng bigas mula Sabah, eksklusibo para sa lalawigan ng Tawi-Tawi, inaprubahan ng BTA Parliament
- Jan 20
- 1 min read
iMINDSPH

Inaprubahan ng Bangsamoro Parliament ang isang resolusyon na nananawagan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na payagan ang zero-tariff importation ng bigas mula Sabah, eksklusibo para sa lalawigan ng Tawi-Tawi, upang mapababa ang presyo ng bigas at tugunan ang agarang pangangailangan sa pagkain sa isla.
Ayon sa mga mambabatas, nangangailangan ng agarang aksyon ang sitwasyon sa Tawi-Tawi dahil sa geographical na pagkakahiwalay nito at sa matinding pagdepende sa suplay ng bigas na nagmumula pa sa Zamboanga City at iba pang malalayong pantalan. Dahil dito, tumataas ang presyo ng bigas bunsod ng mataas na gastos sa transportasyon at logistics.
Ipinunto ng Bangsamoro Parliament na kung pahihintulutan, ang Sabah ay maaaring magsilbing mas mura at mas praktikal na alternatibong pinagmumulan ng bigas para sa Tawi-Tawi, dahil sa mas maikling distansya at mas mabilis na daloy ng suplay.
Binigyang-diin ng Parlamento na ang resolusyon ay isang espesyal, time-bound, at makataong hakbang, na isasailalim sa mahigpit na oversight ng pambansang pamahalaan upang masiguro ang tamang pagpapatupad at maiwasan ang anumang abuso.
Nakasaad din na magpapadala ng kopya ng resolusyon sa Office of the President, mga kaukulang national government agencies, at sa pamahalaang panlalawigan ng Tawi-Tawi para sa agarang aksyon.



Comments