top of page

Retrieval ng mga dokumento para sa Special Audit ng COA, walang koordinasyon sa MBHTE ayon sa ministry; Mga humawak ng dokumento, uniformed personnel umano na naka-full battle gear imbes na COA

  • Diane Hora
  • Sep 8
  • 2 min read

iMINDSPH


ree

Walang presensiya ng Lead Auditor, walang koordinasyon sa MBHTE, photo copy ang memorandum order at naka full battle gear ang mga tauhan ng AFP at PNP. Ito ang pahayag ng MBHTE sa nangyaring retrieval ng mga dokumento kaugnay sa isinasagawang Special Audit ng COA sa ministry.


Sinusuri na ng MBHTE ang ilang legal na hakbang na maaring isulong kaugnay sa insidente.


Nagpalabas ng opisyal na pahayag ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) upang linawin ang mga pangyayari kaugnay ng isinagawang retrieval ng mga dokumento ng Commission on Audit – BARMM (COA-BARMM) Special Auditing Team o SAT sa kanilang tanggapan, araw ng Biyernes, Setyembre 5, 2025.


Ayon sa MBHTE, dakong alas-7:30 ng umaga nang pumasok sa loob ng kanilang main office sa Bangsamoro Government Center, Cotabato City ang mga elemento ng Philippine National Police PNP, kasama ang ilang tauhan mula sa Philippine Marines.


Ang mga ito umano ay tumulong sa SAT ng COA-BARMM sa pagkuha ng mga dokumento mula sa opisina ng Resident COA Auditor ng MBHTE.


Pero ayon sa MBHTE, wala umano ang Lead Auditor ng COA Special Audit Team sa mismong oras ng retrieval.


Photocopy lamang umano ng Memorandum Order ang ipinakita bilang batayan, na diumano’y mula sa COA Chairperson.


Dagdag ng ministry, walang koordinasyon sa MBHTE at hindi rin nagpakita ng Mission Order ang mga armadong tauhan mula sa Marines at AFP nang pumasok ito sa tanggapan.


Uniformed personnel mismo umano ang humawak ng mga dokumento imbes na mga tauhan ng COA.


Nagdulot din ayon sa MBHTE ng takot, pangamba, at pagkaantala ng trabaho ng mga kawani ng MBHTE ang presensiya ng anila’y heavily armed law enforcers sa loob ng opisina.


Sa kasalukuyan, ayon sa MBHTE, pinag-aaralan na ang mga legal na hakbang na maaari nilang isulong kaugnay ng insidente.


Binigyang-diin ng MBHTE na nananatili itong nakahandang sumunod sa lahat ng umiiral na proseso ng auditing. Gayunpaman, umaasa ang ministry na ang mga susunod na hakbang ay isasagawa ng may koordinasyon, kaangkopan at paggalang sa working environment ng civilian personnel.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page