SANITARY WASTE PLAN NG COTABATO CITY, PIPIRMAHAN NA NG MENREAlinsunod sa naging kautusan ni BARMM ICM Abdulraof Macacua sa ginanap na 1st Bangsamoro Government Executive–Legislative Forum
- 6 days ago
- 2 min read
iMINDSPH

Nangako ang mga lokal na opisyal mula sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region ng mas pinaigting na koordinasyon sa regional government sa ginanap na 1st Bangsamoro Government Executive–Legislative Forum 2026 noong Lunes, Marso 23.
Layunin ng forum na palakasin ang pamamahala, pabilisin ang kaunlaran, at tugunan ang mga agarang isyu tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Nagbigyan ng pagkakataon sa pulong anhg mga lokal na opisyal na direktang makipag-ugnayan kina Chief Minister Abdulraof Macacua at Parliament Speaker Mohammad Yacob, kung saan tinalakay ang mga isyu, konkretong hakbang, at pagtutugma ng mga polisiya.
Ayon kay Macacua, iisa ang pinaglilingkuran ng lahat ng sangay ng pamahalaan sa Bangsamoro.
Binigyang-diin niya na mahalaga ang pagkakahanay ng Parliament, mga tanggapan ng rehiyon, at LGUs upang matiyak na umaabot sa grassroots ang mga batas at programa.
Inihayag din ni Macacua na magsasagawa ang mga opisyal ng regional government ng pagbisita sa mga lalawigan kada tatlong buwan upang personal na suriin ang sitwasyon, tukuyin ang mga kakulangan sa kaunlaran, at tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng mga programa.
Aniya, hindi dapat magkaroon ng dobleng trabaho o magkakasalungat na aksyon, at kinakailangan ang disiplinadong pagtutulungan.
Isa sa mga naging resulta ng forum ang pagresolba sa tatlong taong isyu sa sanitary waste management sa Cotabato City. Nangako ang Ministry of Environment, Natural Resources, and Energy (MENRE) na pipirmahan ang sanitary waste plan ng lungsod alinsunod sa direktiba ng Chief Minister.
Kaugnay ng krisis sa langis, iniutos ni Macacua ang pagbuo ng special task force sa ilalim ng Office of the Chief Minister upang magpatupad ng agarang hakbang sa loob ng dalawang linggo. Kabilang dito ang fuel subsidies para sa mga transport operator, social assistance para sa mga mahihinang sektor, price monitoring laban sa hoarding, at agarang paggamit ng contingency funds para sa emergency.
Ayon kay Floor Leader John Anthony “Jet” Lim, pinag-aaralan din ang pangmatagalang solusyon tulad ng direktang pag-import ng langis mula Malaysia o Brunei, kasabay ng pagsusuri sa mga legal na balangkas sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law, ASEAN agreements, at BIMP-EAGA.
Tinitingnan din ang mga service contract sa Mapun upang matiyak ang sapat at matatag na suplay ng enerhiya at benepisyo sa komunidad.
Tinalakay din sa forum ang mga prayoridad na panukalang batas tulad ng Bangsamoro Gender and Development Code, pagtatayo ng district hospitals, at pagkumpleto ng mga pangunahing code sa ilalim ng Bangsamoro Transition Authority.
Pinuri ng mga lokal na lider ang resulta ng forum. Ayon kay Cotabato City Mayor Mohammad Ali Matabalao, mahalaga ang pagkakahanay ng regional at lokal na pamahalaan dahil iisa ang tinitingnan ng mamamayan.
Binigyang-diin naman ni Lanao del Sur Provincial Planning and Development Officer Mohammad Alonto ang kahalagahan ng makabuluhang koordinasyon upang maiwasan ang overlapping ng mga tungkulin at masulit ang mga resources.
Ayon kay Maguindanao del Sur Vice Governor Hisham Nando, mahalaga ang forum upang matiyak na umaabot sa grassroots ang mga polisiya at napapalakas ang kapayapaan, pamamahala, at serbisyong panlipunan.
Pinuri naman ni Board Member Kahal Kedtag ang liderato nina Macacua at Yacob bilang epektibong tandem sa pagsasalin ng polisiya sa konkretong aksyon.
Samantala, inilarawan ni Deputy Speaker Sha Elijah Dumama-Alba ang forum bilang isang strategic at results-oriented venue kung saan naihahain ang mga isyu at rekomendasyon, at natitiyak ang maagap at koordinadong tugon ng pamahalaan.



Comments