South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr, tinawag ni NAPC Usec Esnaen Catong na ama ng Local Poverty Reduction Action Plan (LPRAP)
- 2 hours ago
- 1 min read
iMINDSPH

Ang South Cotabato ang kauna-unahang lalawigan sa 82 probinsya ng bansa na nakapaglatag ng malinaw, sistematiko, at komprehensibong Provincial Poverty Reduction Action Plan ayon kay NAPC Undersecretary Esnaen Catong.
Dahil dito, tinagurian ni Usec Catong na ama ng Local Poverty Reduction Action Plan o LPRAP si South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr.
Sinabi ni Usec Catong na itinuring niya ang lalawigan bilang modelo sa pagpapalakas ng health at nutrition systems, pagbibigay ng dekalidad at makabuluhang edukasyon, pagsusulong ng maayos at sapat na pabahay, paglikha ng disenteng trabaho, at pagtitiyak ng seguridad sa pagkain.
Ang LPRAP ng South Cotabato ay isa aniyang komprehensibo at inklusibong estratehiya na nakabatay sa datos at aktibong partisipasyon ng komunidad.
Sakop nito ang paghahatid ng mahahalagang serbisyo tulad ng libreng serbisyong pangkalusugan sa ilalim ng zero-billing policy ng lalawigan, mga programang pabahay, tulong pangkabuhayan at pang-empleyo, at reintegration support para sa mga dating rebelde.
Dagdag ng NAPC official na nakaangkla ang plano sa lalawigan sa pambansang adhikain laban sa kahirapan habang tumutugon sa aktuwal na pangangailangan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng tiyak at nasusukat na mga hakbang.
Sinabi ni Usec Catong na walang mabubuong provincial poverty reduction action plan ang Pilipinas kung hindi titingnan ang plano ng South Cotabato bilang modelo.
Patunay lamang umano ito na nangunguna ang South Cotabato sa effective at sustainable programs laban sa kahirapan, at sa mahalagang papel ni Governor Tamayo sa pagsusulong ng makatao, makabuluhan, at results-oriented na pamamahala sa antas lokal at pambansa.



Comments