Sultan Mastura Rural Health Unit at Birthing Clinic, tinanggap ang parangal sa Community-Based Maternal Health Support Award sa ginanap na 1st BARMM Health Facility Star Awards
- Jan 19
- 2 min read
iMINDSPH

Tinanggap ng Sultan Mastura Rural Health Unit at Birthing Clinic ang Plaque of Recognition at gawaran ng Community-Based Maternal Health Support Award sa ginanap na 1st BARMM Health Facility Star Awards, isang parangal na nagbibigay-diin sa kalidad at malasakit sa serbisyong pangkalusugan para sa mga ina at sanggol.
Ayon sa pamunuan ng RHU, ang parangal ay nagsisilbing malaking inspirasyon sa mga health workers upang ipagpatuloy ang mataas na antas ng serbisyo, pangalagaan ang kalidad ng maternal health care, at maghatid ng mahabagin at people-centered na serbisyong medikal sa komunidad.
Nagpaabot ng pasasalamat ang RHU sa Ministry of Health – BARMM, sa pangunguna ni Dr. Kadil Sinolinding, gayundin sa Health Regulation Division na pinamumunuan ni Dr. Eshan Paudac, sa paggawad ng naturang parangal na lalong nagpatibay sa kanilang commitment sa mataas na pamantayan ng health service delivery.
Kinilala rin ng RHU ang mahalagang papel ng IPHO Maguindanao sa patuloy na paggabay, suporta, at technical assistance na nakatulong sa pagpapabuti ng maternal health services sa munisipalidad.
Nagpasalamat din ang pamunuan sa Armando T. Mastura Sr., Municipal Mayor ng Sultan Mastura, sa matatag at tuloy-tuloy na suporta sa pagpapaunlad ng Birthing Clinic at iba pang serbisyong pangkalusugan ng bayan.
Binigyang-pugay rin ang mga naging susi sa tagumpay ng pasilidad, kabilang sina Dr. Juhaira Usman, dating MHO, at Fahima Manibpel, Public Health Nurse, para sa kanilang pamumuno, dedikasyon, at gabay sa RHU team.
Pinakamataas na pagkilala naman ang ibinigay sa mga kawani ng RHU at Birthing Clinic na tinawag na tunay na pundasyon ng tagumpay, gayundin sa komunidad ng Sultan Mastura para sa patuloy na tiwala at kooperasyon sa paggamit ng lokal na maternal health services.
Ayon sa RHU, ang naturang parangal ay hindi lamang para sa institusyon kundi para sa buong komunidad, bilang patunay ng sama-samang pagsisikap tungo sa mas malusog at mas matatag na Sultan Mastura.



Comments