top of page

Sumali Muli Sa Icc Isinusulong ng ilang mambabatas sa Kamara sa ilalim ng inihaing House Resolution 809

  • Feb 24
  • 2 min read

iMINDSPH



Ilang mambabatas sa House of Representatives ang naghain ng magkahiwalay na resolusyon noong Lunes na humihikayat sa pamahalaan na muling sumali ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC), na kasalukuyang humahawak sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Sa ilalim ng House Resolution 809, na inihain nina ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago, at Kabataan Party-list Rep. Renee Co, na pawang kabilang sa Makabayan bloc, sinabi ng mga ito na ang muling pag-anib sa ICC ay magpapatibay sa pangakong pagtataguyod ng hustisya, ‘human dignity,’ at ang rule of law” ng bansa.


Samantala, sa pamamagitan ng House Resolution 811, nanawagan din sina Akbayan Party-list Rep. Percival Cendaña, Chel Diokno, Dadah Kiram Ismula, at Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao ng pagbabalik ng Pilipinas sa ICC.


Ayon kay Cendaña, ang hakbang ay pagpapakita ng pakikiisa sa mga biktima ng umano’y extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng war on drugs ng dating administrasyon — na siyang dahilan ng pag-usig kay Duterte sa ICC.


Nagpahayag naman ng suporta si House Deputy Speaker at La Union 1st District Rep. Paolo Ortega sa panukalang pag-aralang muli ang pag-anib sa ICC.


Gayunman, mariing tinutulan ito ni PPP Party-list Rep. Harold Duterte, na iginiit na pulitika lamang umano ang kaso laban sa kanyang tiyuhin.


Ang ICC ay itinatag sa ilalim ng international treaty na kilala bilang Rome Statute of the International Criminal Court. Layunin nitong imbestigahan at litisin ang mga indibidwal na inaakusahan ng pinakamabibigat na krimen tulad ng genocide, war crimes, crimes against humanity, at crime of aggression.


Matatandaang naging epektibo noong 2019 ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute matapos maglunsad ng imbestigasyon ang ICC kaugnay ng kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.


 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page