Supplementary Feeding Program 2026 sa Maguindanao del Norte, pinalalakas pa ng provincial government
- Diane Hora
- Feb 2
- 2 min read
iMINDSPH

Pinalakas ng mga lokal na pamahalaan at sectoral partners ang koordinasyon at paghahanda para sa mas epektibong implementasyon ng Supplementary Feeding Program (SFP) para sa Calendar Year 2026 sa isinagawang stakeholders engagement, dialogue, at field visit sa lalawigan.
Pinangunahan ang aktibidad ng SFP Maguindanao del Norte Team, na naglalayong tiyakin ang malinaw na implementasyon ng mga alituntunin, estratehiya, at operasyonal na mekanismo ng programa para sa susunod na taon. Sa dayalogo, tinalakay ang mga mahahalagang polisiya, karanasan sa field, at mga hamong kinahaharap sa pagpapatupad ng feeding program, partikular sa antas ng barangay.
Aktibong nakibahagi ang Municipal Social Welfare Office (MSWO) at kinatawan ng Local Government Unit (LGU), na kapwa nagbigay-diin sa kahalagahan ng inter-agency coordination upang masigurong tuloy-tuloy at de-kalidad ang serbisyong pangnutrisyon para sa mga bata, lalo na sa mga daycare at child development centers.
Malaki rin ang naging ambag ng mga Child Development Workers (CDWs) mula sa iba’t ibang barangay na nagbahagi ng kanilang aktuwal na karanasan sa pagpapatupad ng feeding program. Inilahad nila ang mga hamon sa logistics, monitoring, at delivery ng pagkain, gayundin ang mga rekomendasyon upang mas mapahusay ang serbisyo sa mga benepisyaryo.
Nakibahagi rin ang mga kinatawan mula sa Rural Health Unit (RHU), Barangay Nutrition Scholars (BNS), at Barangay Health Workers (BHW), na nagbigay ng pananaw hinggil sa wastong nutrisyon, health standards, at pagsubaybay sa kalagayan ng mga bata. Ang kanilang partisipasyon ay nagpatibay sa integrasyon ng kalusugan at nutrisyon sa kabuuang implementasyon ng programa.
Sa pamamagitan ng dayalogo at field visit, natukoy ng mga stakeholder ang mga pangunahing aspeto na dapat pang paigtingin—mula sa koordinasyon hanggang sa aktuwal na implementasyon—bilang bahagi ng kolektibong layunin na gawing mas episyente, inklusibo, at sustenable ang Supplementary Feeding Program CY 2026.
Ipinakita ng aktibidad na ang tagumpay ng programa ay nakasalalay sa sama-samang pagkilos ng pamahalaan, health workers, at mga community frontliners, upang masiguro ang mas malusog at mas maayos na kinabukasan para sa mga batang Bangsamoro sa Maguindanao del Norte.



Comments