TIMBOG SA ANTI-ILLEGAL DRUG OPERATION sa Cotabato City ang 4 indibidwal; Drug den, nilansag
- Apr 17
- 1 min read
iMINDSPH

Sa Cotabato City—
Apat na indibidwal ang naaresto matapos madiskubre at mabuwag ang isang drug den sa isinagawang anti-illegal drug operation ng mga awtoridad sa Poblacion 2. Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Tetet”, 22 anyos; alyas “Ula”, 24 anyos; alyas “Datu”, 18 anyos; at alyas “Untong”, 18 anyos.
Samantala, nakatakas ang pangunahing target ng operasyon na si alyas “Kuya”, na itinuturong may-ari ng naturang drug den, matapos makatunog sa presensya ng mga operatiba.
Sa operasyon, nakumpiska ang apat na heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na humigit-kumulang 0.5 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱3,400.
Narekober din sa lugar ang iba’t ibang drug paraphernalia, buy-bust money, at dalawang mobile phones.
Isinagawa ang operasyon ng PDEA BARMM – Maguindanao del Sur Provincial Office katuwang ang Cotabato City Police Office – Police Station 1, City Mobile Force Company, at City Drug Enforcement Unit.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga naarestong suspek, kabilang ang pangunahing target na si alyas “Kuya” na nananatiling at-large.



Comments