top of page

Transition ng landslide management ng Jolo airport, tinalakay sa pulong ng BAA at CAAP

  • Dec 31, 2025
  • 2 min read

iMINDSPH



Pinangunahan ng Bangsamoro Airport Authority (BAA) ang ikatlong coordination meeting kasama ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) noong a-24 ng Disyembre 2025, upang talakayin ang iminungkahing paglipat ng landside management ng Jolo Airport.


Kinatawan ng CAAP sa pulong si Engr. Edwin Luching, Area Manager ng CAAP Area Center IX – Pagadian Airport. Sentro ng diskusyon ang pagbuo ng komprehensibong transition plan na sasaklaw sa mga ari-arian at tauhan, gayundin ang mga usaping may kinalaman sa land properties, na mangangailangan pa ng karagdagang konsultasyon sa top management.


Binigyang-diin ng BAA ang kahalagahan ng malinaw at organisadong plano sa transisyon, kasabay ng pagbanggit sa Technical Working Group (TWG) meeting sa Maynila noong Disyembre 17, 2025 bilang bahagi ng patuloy na koordinasyon ng dalawang ahensya.


Sa panig ng CAAP, inilahad ang ilang hamon, kabilang ang kawalan ng nakalaang pondo sa kasalukuyang badyet para sa transition-related items at ang usapin sa separation pay ng mga maaapektuhang tauhan. Tinalakay rin ang posibilidad na mailipat ang ilang personnel sa ibang ministries, offices, o agencies, na sasailalim pa sa kumpirmasyon at karagdagang gabay. Nilinaw na saklaw ng transisyon ang mga personnel na naitalaga bago at sa panahon ng pagkakatatag ng BARMM.


Kinilala ng dalawang panig ang mga hamong may kaugnayan sa tauhan at iginiit ang pangangailangang hindi maantala ang operasyon at serbisyo ng paliparan habang isinasagawa ang transisyon. Tinalakay rin ang ibang options para sa transfer of position, alinsunod sa mga probisyon ng Executive Order No. 91.


Nagkasundo ang BAA at CAAP na ipagpatuloy ang koordinasyon at tapusin ang transition framework, sa susunod na pulong sa Enero 2026, kung saan inaasahang lalahok ang mga kinatawan ng national government.


Ayon sa BAA, nananatili ang kanilang pangako sa isang maayos, malinaw, at transparent na proseso ng transisyon na magpapanatili ng episyenteng operasyon ng paliparan at magpoprotekta sa kapakanan ng mga maaapektuhang tauhan, habang tinitiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo para sa publiko.

 
 
 

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating

©2024 by iMINDS PHILIPPINES. All Rights Reserved

bottom of page