TUMANGGAP NG FINANCIAL ASSISTANCE ang 230 decommissioned combatants ng MILF sa culmination ng Socio-Economic Assistance Program sa Basilan na pinangunahan ng provincial government at OPAPRU
- Apr 17
- 2 min read
iMINDSPH

Mula Sentro ng Bakbakan, tungo sa Sentro ng Kapayapaan at Kabuhayan.
Tagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Basilan, katuwang ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), ang culmination ng Socio-Economic Assistance Program para sa ating mga decommissioned combatants sa Sitio Sampinit, Brgy. Mahatallang, Sumisip, ngayong umaga.
Sa pagtitipong ito, tinanggap ng humigit-kumulang 230 na decommissioned combatants, na mga dating mandirigma ng MILF ang kanilang financial assistance.
Ayon sa provincial government, hindi lang umano ito tulong pinansyal, ito umano ay simbolo ng kanilang panibagong simula at matatag na pangako sa pagsuporta sa kapayapaan at pag-unlad ng ating lalawigan.
Highlight ng Aktibidad ang Tree Growing Activity. Kasama ang iba pang sangay ng pamahalaan tulad ng AFP, PNP, MAFAR, MENRE at iba pa kung saan sama-samang itinanim ang halos 500 seedlings ng fruit trees, Narra, at Dao sa Sampinit Complex.
Layunin ng hakbang na ibalik ang luntiang kagubatan at isulong ang isa sa mga agenda ng pamahalaang panlalawigan para sa isang Greener Basilan.
Mula Rebel Hub tungo sa Farmer’s Hub, ang Sampinit, na dati ay kinatatakutan dahil sa gulo, ay buhay na buhay na umano ngayon.
Unti-unti nang nagbabalikan ayon sa pamahalaang panlalawigan ang mga lokal na residente sa kanilang ancestral lands para muling magbungkal at magtanim.
Nagpasalamat din si MP Atty. Laisa Alamia, Chairperson GPH-TFDCC, sa dedikasyon ni Governor Mujiv Hataman, lalo na sa pagpapagawa ng mga kalsada na naging susi upang maging ligtas at progresibo ang Sampinit.
Pinaabot naman ni MGen. Francisco Ariel Felicidario III (Ret) ang kanyang taos pusong pasasalamat sa pamahalaang panlalawigan sa tuloy-tuloy na koordinasyon at pagpapatupad ng mga proyekto tulad ng mga inisyatiba ng "Localizing Normalization" na naging instrumento sa tagumpay na nararanasan natin ngayon sa Basilan.
Paalala ni Gov. Mujiv Hataman, kung mayroon mang hindi pagkakaunawaan, daanin natin ito sa diyalogo. Ang kapayapaan ay nakakamit aniya sa pag-uusap, hindi sa dahas.



Comments