UBJP, nagpapasalamat sa pagdinig ng Senado sa Senate. Bill No. 1587 pero naghayag din ng pagka alarma sa mga amendment sa Bangsamoro Electoral Code
- Diane Hora
- 4 days ago
- 2 min read
iMINDSPH

Sa pagdinig ng Senate Committee noong Pebrero 5, 2026, nagpahayag ng pasasalamat ang UBJP sa pamumuno ni Migz Zubiri, na tinukoy nilang ama ng Bangsamoro Organic Law, sa pagbibigay ng pagkakataon upang ihayag ang kanilang paninindigan.
Ayon sa UBJP, buo ang kanilang suporta sa agarang pagsasagawa ng unang parliamentary elections sa BARMM—isang demokratikong proseso na handa umano nilang lahukan, manalo man o matalo, bilang pagtupad sa obligasyon ng MILF sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
Binigyang-diin ng UBJP na apat na beses nang naantala ang kauna-unahang Bangsamoro elections.
Una itong itinakda noong May 2022 at naipagpaliban noong May 12, 2025. Mula May 12, 2025 naipagpaliban ito at itinakda noong October 13, 2025. Mula October 13, 2025, itinakda muli ngayong Marso 30, 2026 pero ipinagpaliban muli.
Tinukoy rin ng partido ang desisyon ng Supreme Court of the Philippines sa kasong Lanang Ali Jr. et al. vs. Bangsamoro Transition Authority, kung saan malinaw na inatasan ang Commission on Elections na magsagawa ng halalan hindi lalampas sa Marso 31, 2026.
Ngunit ayon sa UBJP, nabigo ang Bangsamoro Transition Authority na maipasa sa tamang panahon ang bagong redistricting law—isang pagkukulang na umano’y naging direktang dahilan ng muling deferment ng halalan.
Dagdag pa sa position paper, ikinaalarma ng partido ang mga amyendang ipinasa ng BTA Parliament noong Enero 28, 2026 sa Bangsamoro Electoral Code—na ayon sa UBJP ay halos “ni-reset” ang tatlong taong paghahanda ng COMELEC.
Kabilang sa mga kontrobersyal na pagbabago ang:
• pagbaba ng required membership ng regional political parties;
• pagbaba ng vote threshold para makakuha ng parliamentary seat;
• pagbawi ng accreditation ng political parties at sectoral organizations;
• at pagbabago sa paraan ng eleksyon ng sectoral representatives mula sectoral assemblies tungo sa direct voting.
Para sa UBJP, ang mga huling-ultimong pagbabagong ito ay mga red flag na maaaring magbukas ng pinto sa panibagong postponement ng eleksyon.
Ayon sa partido, ang paulit-ulit na pagkaantala ay sumisira sa tiwala ng publiko sa electoral system at nagpapagod sa mga botante, guro, election workers, at kandidato—na paulit-ulit dumaraan sa registration, accreditation, voter education, at kampanya, para lamang maantala muli.
Nanawagan ang UBJP na igalang ang legal status ng mga accredited regional political parties at sectoral organizations, at panatilihin ang sectoral assemblies bilang paraan ng pagpili ng sectoral representatives upang maiwasan ang disenfranchisement ng mga marginalized sectors.
Binigyang-diin ng UBJP na ang unang Bangsamoro Parliamentary Elections ay hindi ordinaryong halalan, kundi mahalagang bahagi ng mga obligasyon ng National Government at MILF sa peace agreement—isang proseso anila na mahigpit ding binabantayan ng international community.



Comments