Upang gawing special development at administrative area ang SGA sa ilalim ng direct supervision of the Chief Minister, isinusulong ngayong sa BTA Parliament ang panukala na naglalayong palakasin ang S
- Jan 27
- 2 min read
iMINDSPH

Sumalang na sa unang pagbasa sa Bangsamoro Parliament ang Parliament Bill No. 431, na naglalayong palakasin ang katayuan ng Special Geographic Area (SGA) bilang isang special development at administrative area na direktang nasa ilalim ng superbisyon ng Office of the Chief Minister.
Ang panukala ay iniakda ni MP Butch Malang at co-authored nina MP Tomanda Antok, MP Kitem Kadatuan Jr., at MP Naguib Sinarimbo.
Saklaw ng SGA ang mga barangay ng Kadayangan, Kapalawan, Ligawasan, Malidegao, Nabalawag, Old Kaabakan, Pahamuddin, at Tugunan, na tahanan ng mahigit 200,000 residente. Sa ilalim ng panukala, bibigyan ang SGA ng malinaw at pormal na katayuan sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Bangsamoro Administrative Code at Bangsamoro Local Governance Code.
Itinatatag ng panukala ang SGA Development Authority (SGADA) na magkakaroon ng mas malawak na regulatory, supervisory, at coordinative powers, lalo na sa mga serbisyong tumatawid sa hangganan ng mga munisipalidad o nangangailangan ng malakihang pondo na lampas sa kakayahan ng indibidwal na local government units (LGUs).
Sa mandato ng SGADA ang pagbabalangkas at pangangasiwa ng medium- at long-term development plans, gayundin ang koordinasyon ng mga priority programs kasama ang mga Bangsamoro ministries, LGUs, civil society organizations, at private sector.
Isang governing board ang magsisilbing policy-making body ng SGADA, na bubuuin ng mga kinatawan mula sa mahahalagang ministeryo, Bangsamoro Planning and Development Authority, at League of Mayors sa loob ng SGA.
Sa aspeto ng pondo, nakatakdang tumanggap ang SGADA ng nakapirming limang porsiyentong (5%) bahagi ng kita ng Bangsamoro government, bukod pa sa kikitain mula sa fees, charges, at iba pang awtorisadong pinagkukunan. Nakalaan din ang ₱500 milyon bilang panimulang pondo para sa operasyon, pati ang kapangyarihang maningil ng awtorisadong fees at fines.
Sasaklawin ng SGADA ang pangangasiwa sa mga serbisyong SGA-wide tulad ng development planning, flood control, land use at shelter programs, kalusugan at sanitasyon, environmental protection, at public safety, habang iginagalang at pinananatili ang awtonomiya ng bawat munisipalidad.
Ang panukala ay daraan pa sa mga komite at karagdagang deliberasyon sa Bangsamoro Parliament bago ang susunod na mga pagbasa.



Comments