Uuwi na ng tawi-tawi ang 42 returning Filipino mula sa Sabah, Malaysia sa tulong ng MSSD BARMM
- Feb 26
- 1 min read
iMINDSPH

Matagumpay na pinangasiwaan ng MSSD Zamboanga Satellite Office ang pag-alis ng 42 Returning Filipinos mula Sabah patungong Mapun, Tawi-Tawi sakay ng lantsang M/L Christine araw ng Miyerkules, Pebrero 25, 2026.
Bago ang kanilang paglalayag, nagsagawa ang MSSD ng counseling, masusing profiling, at dokumentasyon upang matiyak ang pagkakakilanlan ng mga ReFS at masuri ang kanilang kalagayan.
Ayon sa MSSD, Bahagi rin ng counseling ang pagtulong sa kanila na maiproseso ang mga trauma at hamong kanilang naranasan habang nasa ibang bansa.
Bilang karagdagang suporta, sinabi ng MSSD na nakatanggap ang bawat ReFS ng libreng pagkain upang matugunan ang kanilang agarang pangangailangan sa biyahe pauwi. Pagdating sa Mapun, inaasahang sasalubungin sila ng MSSD Mapun Unit Office upang mabigyan ng karampatang interbensyon at matiyak ang kanilang ligtas na pagbabalik sa kani-kanilang mga barangay.
Ang interbensyong ito ayon sa ministry ay isinagawa sa ilalim ng Humanitarian Assistance and Transfer for Individuals in Distress (HATID) Program ng MSSD, na naglalayong magbigay ng agarang tulong at proteksyon sa mga Locally Stranded Individuals (LSIs), mga nagbabalik na Pilipino, biktima ng karahasan, at iba pang vulnerable na sektor sa Bangsamoro.



Comments