WOMEN’S RIGHTS FORUM isinagawa ng MSSD na nilahukan ng 200 kababaihan mula sa iba’t ibang panig ng BARMM
- 4 days ago
- 2 min read
iMINDSPH

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Women’s Month, dumalo ang 200 kababaihan mula sa iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro Region sa isinagawang Women’s Rights Forum ng MSSD na ginanap sa Alnor Hotel and Convention Center noong Marso 24, 2026.
May temang “Strengthening the Pillars of Protection for Bangsamoro Women,” layunin ng forum na palakasin ang kamalayan ng kababaihan hinggil sa kanilang mga karapatan at sa mga mekanismong nagpoprotekta sa kanila sa iba’t ibang aspeto ng kanilang buhay.
Tampok sa forum ang serye ng mga talakayan, kabilang ang “The Bangsamoro Woman: A Regional Situationer”, na tumalakay sa kalagayan at mga hamong kinahaharap ng kababaihan sa rehiyon; “The Rule of Law: Protecting Women’s Rights in the BARMM”, na nagbigay-linaw sa mga batas at mekanismong nagtataguyod ng karapatan ng kababaihan; at “Guided by Faith: Women’s Rights in Islam”, na naglatag ng limang pangunahing karapatan ng kababaihan sa Islam—dignidad (Karāmah), edukasyon (‘Ilm), karapatang pang-ekonomiya (Mal), proteksyon mula sa panganib (Hifdh), at partisipasyon at boses (Shura).
Isinagawa rin ang “The Integrated Response: A Panel Discussion on Government Mechanisms”, kung saan tinalakay ang iba’t ibang programa at serbisyo ng pamahalaan para sa proteksyon ng kababaihan. Kabilang dito ang Bangsamoro Human Rights Commission (BHRC) sa Gender and Development, Ministry of Health (MOH) sa Mental Health and Psychosocial Support Services (MHPSS), Bangsamoro Women Commission (BWC) sa women empowerment, MSSD sa protective services, Police Regional Office BARMM (PRO-BAR) sa security services, at Ministry of the Interior and Local Government (MILG) sa pagpapalakas ng mga lokal na istruktura.
Nagkaroon din ng open forum kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na magtanong at magbahagi ng kanilang mga karanasan at isyu.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni MSSD Minister Atty. Raissa H. Jajurie na ang karapatan ng kababaihan ay dapat kilalanin, protektahan, at itaguyod. Aniya, mahalaga ang patuloy na pagpapalakas sa kababaihan upang matiyak na sila ay hindi naaapi at ang kanilang dignidad ay iginagalang, alinsunod sa mga prinsipyong Islamiko.
Matapos ang forum, tumanggap ang bawat kalahok ng hygiene kits at welfare goods, kabilang ang canned goods at instant coffee, bilang dagdag na suporta sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.



Comments